Mala-salamin ang linaw ng tubig, saganang isda sa ilog, sapat na usa para sa kanilang pangangaso, at sako-sakong bigas sa bodega na madaling maipamahagi sa komunidad sa panahon ng kagipitan. Ganito inilarawan ni Salem Demuna ang pamumuhay ng mga Kagan at iba pang katutubo sa Mindanao sa mga nakalipas na dekada. Si Salem ay dating tagapangulo ng Learned Kagan Muslim Foundation, Inc (LKMFI), isang organisasyong nagtataguyod ng kultura ng Kagan at karapatan ng mga katutubo.
Sa kasalukuyan, malaki na ang ipinagbago ng klase ng pamumuhay sa kanilang komunidad. Ang dating ilog na sagana sa isda, ay hindi na napapakinabangan ng komunidad dahil ito ay naging maputik dulot ng polusyon. Ang dating naglalakihang mga puno ay napalitan ng malalaking plantasyon at mga beach resorts. Ang iba sa mga ito ay pinutol upang magbigay-daan sa mga pagmimina. Kakarampot na lupain ang natira sa mga Kagan upang ipagpatuloy ang kanilang mga tradisyonal na pamamaraan sa agrikultura, pangingisda at pangangaso. “Napakasakit nito para sa amin. Ikaw ay nasa iyong sariling komunidad, nasa lupaing ninuno, ngunit parang ikaw ay nasa kompetisyon, matira ang matibay,” ibinahagi ni Salem.
Sa kasalukuyan, malaki na ang ipinagbago ng klase ng pamumuhay sa kanilang komunidad. Ang dating ilog na sagana sa isda, ay hindi na napapakinabangan ng komunidad dahil ito ay naging maputik dulot ng polusyon. Ang dating naglalakihang mga puno ay napalitan ng malalaking plantasyon at mga beach resorts. Ang iba sa mga ito ay pinutol upang magbigay-daan sa mga pagmimina. Kakarampot na lupain ang natira sa mga Kagan upang ipagpatuloy ang kanilang mga tradisyonal na pamamaraan sa agrikultura, pangingisda at pangangaso. “Napakasakit nito para sa amin. Ikaw ay nasa iyong sariling komunidad, nasa lupaing ninuno, ngunit parang ikaw ay nasa kompetisyon, matira ang matibay,” ibinahagi ni Salem.
Dahil sa malaking epekto nito sa kanilang pangkabuhayan, maraming pamilya ng mga Kagan ang napilitang magpadala ng kanilang mga anak sa ibang bansa upang doon maghanapbuhay kahit na kaakibat nito ay ang panganib ng diskriminasyon at karahasan. Ang perang ipinapadala ng mga Kagan na OFWs ay kalimitang ginagamit upang makapag-aral ang iba pang mga kapatid at maihanda ang mga ito sa mga natitira pang pangkabuhayan sa kanilang komunidad, gaya ng pagtatrabaho sa lokal na pamahalaan o kaya sa mga pribadong kumpanyang may mga “proyektong pangkaunlaran” sa kanilang lupaing ninuno.
“Kaunlaran”– Pagkagambala sa kapaligiran at lipunan
Madarama mo ang sakit na nararamdaman ni Salem habang ibinabahagi ang kasalukuyang pamumuhay ng kanyang mga kapwa Kagan sa gitna ng masaganang mapagkukunan. Ang kahirapang ito ay hindi lamang nararanasan ng mga Kagan. Sa katunayan, ang mga katutubong Mansaka na karatig-bundok ng mga Kagan, ay nakakaranas din ng kahirapan sa kabila ng pagkakaroon ng lupaing mayaman sa ginto, mga ginto na kasalukuyang pinapakinabangan ng mga malalaking kumpanya. Ang ganitong pamamaraan ng pagmimina ay may malaking epekto hindi lamang sa lupain ng mga Mansaka kundi pati na rin sa mga baybaying lugar gaya ng sa mga Kagan: “Ang aming nakuha mula sa pagmimina ay ang mga basura, asoge, at iba pang mga kemikal na dumadaloy sa aming mga ilog.”
Bukod sa pagkawala ng kanilang ilog na pinagkukunan nila ng ikinabubuhay at libangan, may malaking panganib din na dulot ang pagmimina sa kalikasan na maaring maging sanhi ng mga kalamidad: “Ano ang mangyayari kapag may mga kalamidad sa aming lugar? Wala nang mga puno na magpoprotekta sa amin mula sa pagguho ng mga lupa. Ano na ang mangyayari sa mga susunod na henerasyon?”, tanong ni Salem. Sa mga nagdaang panahon, malawakang pinsala ang dulot ng bagyo at pagbaha sa mga lugar na may mga minahan. Noong 2012, ang mga pagguho ng lupa pagkatapos ng pananalasa ng Bagyong Pablo (Typhoon Bopha), ay naging sanhi ng pagkamatay ng 651 katao sa probinsya ng Davao de Oro, kung saan din matatagpuan ang lupaing ninuno ng mga Kagan.
Bukod sa pagkasira ng kalikasan, ang mga tinatawag na proyektong pangkaunlaran ay may mapaminsalang epekto rin sa pagkakaisa ng mga naiiwan pang mga komunidad ng mga Kagan. Dahil sa limitadong mapagkukuhanan ng hanapbuhay, ang mga Kagan ay umaasa na lamang sa kita na inaalok ng mga pribadong kompanya at mga lokal na politiko. Ayon kay Nestor Adona, miyembro ng Kagan Leaders Council of Pantukan at volunteer sa LKMFI, ang sitwasyon ay nagdulot ng kompetisyon sa trabaho at humantong rin sa kompetisyon sa kapangyarihan dahil sa mga pansariling interes.
Malaki din ang epekto sa kultura, tradisyon at pananampalataya ng mga Kagan ang dumaraming bilang ng mga beach resorts na itinatayo sa kanilang mga baybayin. Sa kabila ng benepisyong nakukuha nila mula rito gaya ng kita at mga trabaho, binakuran nila ang mga dalampasigan nang walang pahintulot mula sa mga Kagan. Dahil dito, hindi na sila malayang nakakagalaw sa loob ng kanilang mga lupain at katubigan. Dagdag pa ni Salem, ang mga namumuno sa kanilang komunidad ay paulit-ulit na nakikiusap sa mga may- ari ng mga resorts na respetohin ang oras ng kanilang pagdarasal sa pamamagitan ng pagkontrol sa ingay subalit madalas ay hindi sila pinapakinggan. Bukod sa panghihimasok sa mga lupain ng Kagan, ang mga tinatawag nilang proyektong pangkaunlaran ay humahadlang rin sa kanilang karapatang gawin ang kanilang mga nakaugaliang kultura at tradisyong Islam.
Kaunlaran bilang pagkakaisa
“Ang konsepto ng pag-unlad na alam ng karamihan ay binuo ng mga dominanteng grupo na walang lubos na pag-unawa sa mga taong sa tingin nila makikinabang sa kanilang tinatawag na proyekto”. Napipilitang tanggapin ng mga katutubo ang mga proyekto dahil kahit papaano nakakakuha sila ng konting benepisyo mula rito. Ganito inilarawan ni Nestor ang kaugnayan ng popular na kahulugan ng pag-unlad at sa interes at pangangailangan ng mga katutubong Kagan. Batay sa kanilang karanasan, ang kaunlaran ayon sa mga external actors ay ang mga konkretong proyekto na may nakikitang resulta. Ngunit sa palagay nila Nestor at Salem, kailangang unawain ang konsepto ng kaunlaran sa kabuuan nito.
Dagdag pa nila, ang pag-unlad ay dapat ramdam ng komunidad, dapat tumugon sa “lahat ng pangangailangan ng mga katutubong Kagan at pati na rin ng ibang katutubong malapit sa kanila. Ang ganitong konsepto ay dapat nakapaloob sa mga palisiya ng gobyerno at sa kanilang tradisyon at kultura bilang mga Kagan. ” Ang nasabing konsepto ng pag-unlad ay hindi lamang makapagbibigay ng mga oportunidad sa ekonomiya at imprastraktura, kundi ito ay may epekto rin sa sosyal at kultural na pamumuhay ng mga tao. Sabi pa ni Nestor: “Tinitiyak nito ang patas na epekto para sa lahat at hindi dapat makakaapekto sa karapatan, tirahan, at mga lupain ng sinuman”.
Ipinaliwanag ni Salem na, “ayon sa kaugalian, ang konsepto ng Kagan ukol sa pag-unlad ay pagkakaisa, kapayapaan, pagkakaintindihan at pagbabahagi ng mga resources”. Sa ganitong konsepto, binibigyang halaga ang relasyon at pagkakaugnay ng mga tao kaysa sa kaunlaran sa ekonomiya o iba pang uri ng pag-unlad. Ibig sabihin nito na ang ganitong konsepto ng pag-unlad ay isinasabuhay noon pa man bago pa man dumating ang mga negosyante at mga korporasyon, bago pa man ipinakilala ng mga kolonyalistang Espanya at Amerika ang mga istruktura sa pamamahala, bago pa man ang pagpapakilala sa Islam.
Para sa mga Kagan, ang pagbabahagi ng mga pinagkukunan o resources, malayang pagsasabuhay ng kanilang kultura, at ang pagrespeto sa kanilang mga nakakatatanda ay ang mga indikasyon ng kaunlaran at pag-unlad. Ayon pa kay Salem, nakaranas din sila noon ng mga kaguluhan o hindi pagkakaunawaan ngunit ito ay madaling naayos dahil ang lahat ay handang makibahagi at makipagpalitan ng kaalaman: “Hindi ko alam kung ganito rin ang karanasan ng aking mga ninuno pero para sa akin, iyon ang mga panahon na masaya ang lahat”.
Karapatang magtakda ng mga prayoridad para sa kaunlaran
Isa sa mga karapatan ng mga katutubo sa Pilipinas ay ang kalayaang sundin ang kanilang sariling pananaw ng kaunlaran sa loob ng kanilang lupaing ninuno. Sa tulong ng LKMFI, naiparehistro ng mga Kagan noong 2019 ang kanilang lupaing ninuno. Hindi lamang ito nangangahulugang sila ay malayang makapag desisyon patungkol sa pag-unlad ng kanilang ekonomiya, sosyal at kultura sa loob ng kanilang lupaing ninun, karapatan din nilang makibahagi sa pagbuo ng mga palisiya at plano para sa mga proyektong makapagpapaunlad sa kanilang komunidad.
Isa sa mga pamamaraan para masiguro ang mga ito ay ang pagbuo at pagbalangkas ng Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan o ADSDPP. Kasalukuyang nasa proseso ang mga Kagan sa pagbuo ng planong ito at sinisikap nilang maging “angkop ito sa pangangailangan, adhikain, mapagkukunan, kasaysayan, kultura at tradisyon ng Kagan” pagpapaliwanag ni Nestor na naging bahagi rin sa nasabing proseso. Ang lokal na mga batas ay patuloy na naging limitasyon o sagabal sa pagbuo ng mga plano alinsunod sa tradisyon ng mga Kagan: “tayo ay hindi magiging ganap na masaya at kontento kung sasabihan tayong malaya nating gawin at isabuhay ang ating mga karapatan, gayunpaman nakatali pa din ang ating mga kamay sa mga batas at limitasyon nito”.
Sa halip na maranasan ng Kagan ang ganap na pagsasabuhay ng kanilang sariling pamamaraan ng pamamahala at malayang itakda ang kanilang prayoridad sa pag-unlad, isang malaking hamon pa rin sa kanila ang katotohanan na malaki ang naging pinsala ng mga proyektong pangkaunlaran sa kanilang lupaing ninuno. Kadalasan ang mga proyektong ito ay hindi lamang pinahihintulutan kundi hinihikayat pa ng lokal na pamahalaan. Hamon para sa Kagan hindi lang ang pagbalangkas ng mga plano tungo sa pag-unlad, kundi pati na rin kung papaano nila isulong ang kanilang karapatan at masigurong maipatupad ang mga nasabing plano.
Isulong ang tunay na partisipasyon tungo sa pag-unlad
Ayon kay Nestor, ang mga batas na naglalayong bigyan ng patas na karapatan at benepisyo ang lahat, katutubo man o hindi, ay hindi maiiwasang ito rin ang naging limitasyon upang maisabuhay ng mga katutubo ang kanilang karapatan sa sariling lupain. Katulad na lamang sa obligasyon ng mga kumpanyang may minahan sa kanilang lugar kung saan ang mga katutubo ay makakakuha lamang ng isang porsyento mula sa kikitain ng mga kumpanyang ito samantalang lahat ng pinagkukuhanan o pinagmiminahan nila ay pag-aari ng mga katutubo.
Naniniwala si Nestor na dapat ang mga katutubo ay maituturing din na isa mga maaaring maging may-ari ng kumpanya. “Ang mga ginto ay pag-aari ng mga katutubo. Ang lupaing inyong sinisira ay pagmamay-ari ng mga katutubo. Paanong hindi sila naging bahagi ng inyong kumpanya? Kung gagawin ding isa sa mga may-ari ang mga katutubo, ay makakasiguro sila na hindi makakasira ang mga proyekto sa kanilang lupaing ninuno at makakapagbuo ng mga batas na titiyak sa pantay na pamamahagi ng mga benepisyo. Ilan sa mga ito ay ang pagtatayo ng sariling processing sites ng mga ginto sa loob ng komunidad, upang makakasiguro na ang mga Kagan at Mansaka ay makakakuha ng kanilang bahagi sa kita mula sa pagproseso ng ginto.
Iginiit din ni Salem ang kahalagahan ng maayos na konsultasyon sa mga Kagan ukol sa mga desisyon na may kinalaman sa mga proyekto sa kanilang komunidad. Ayon sa batas ng Pilipinas, kailangan ng mga pribadong kompanya na kumuha ng pahintulot mula sa mga katutubo (free, prior, and informed consent) bago simulan ang kanilang operasyon. Gayunpaman, ang mga konsultasyon ay kadalasang ginagawa lamang sa mga indibidwal na mga liders sa isang komunidad kung saan madalas ay nagreresulta lamang sa korupsyon, naging shortcut ang proseso at madalas may kasama pang pananakot. Dagdag pa ni Salem na ang prosesong ito ay napakasimple at hindi na tiyak na maisulong ang karapatan ng mga katutubo na maging kabahagi sa paggawa ng desisyon.
Iminungkahi ni Salem na magkaroon ng mga pampublikong pagpupulong para sa mga katutubo kung saan ibabahagi ng mga kompanya ang kanilang detalyadong plano ukol sa lawak at pamamaraan ng pagmimina. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga Kagan na maipaliwanag ang magiging epekto ng mga pagmimina sa kanilang lupaing ninuno, pati na rin ang halaga ng pinsalang idudulot nito sa kapaligiran. Sa ganitong paraan mapanatili ang maayos na paraan ng pagpapatakbo sa mga minahan at magiging daan din ito upang maunawaang mabuti ang kahulugan ng kaunlaran para sa mga Kagan: “Kung may pagpapahalaga sa representasyon, may pagkilala. Kung may pagkilala, may respeto. Kung may respeto, may pagkakaisa”.
Paraan sa Pagsulong
Dahil sa mga malaking pinsalang dulot ng mga proyekto sa pangkaunlaran sa kanilang mga lupain, naiisip ni Salem kung hanggang kailan makakapagtitiis ang kanyang mga kapwa Kagan. Hanggang kailan sila hindi papakinggan at babalewalain sa loob ng kanilang lupaing ninuno hanggang sa lumaki ang kaguluhan. Marami sa kanilang mga kapwa Kagan ay nangangamba na iparating ang kanilang mga saloobin ukol sa mga proyektong ito dahil na rin sa mga karahasang nangyari sa mga nagdaang panahon, kung saan may mga aktibistang namatay dahil sa paglalabas ng kanilang mga saloobin ukol sa mga proyektong ito. Isa sa mas mapayapang pamamaraan na isinasagawa ng LKMFI ay ang pagsasagawa ng mga diyalogo, ngunit ito ay hindi sapat at epektibo kung walang mamagitan sa mga katutubo at mga korporasyon.
Ayon kay Nestor at Salem, malinaw sa kanila kung ano kailangan upang isulong ang kanilang karapatan bilang mga katutubo tungo sa kanilang sariling konsepto ng pag-unlad: ang karagdagang kamalayan ukol sa kanilang mga kapwa Kagan; pagtukoy ng kanilang kolektibong mga ‘resources’ bilang mga katutubo at pagbuo ng konkretong plano tungo sa mapayapang pagkamit ng kanilang mga Karapatan. Upang maabot ang mga ito, ang mga Kagan ay nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at sa mga non-government actors na may katulad na pananaw ukol sa kaunlaran. Isa sa mga ito ay ang forumZFD, isang international peacebuilding organization na nakikipagtulungan sa LKMFI upang mapalakas pa ang kakayahan nito ukol sa non- violent conflict transformation at kung paano nito mapapabuti ang kanilang tradisyonal na pamamaraan ng pagsasaayos ng kaguluhan.
Ayon kay Nestor, ang pagsusulong ng kanilang karapatan tungo sa pag-unlad ng ekonomiya, lipunan at kultura sa loob ng kanilang lupaing ninuno ay isang mahaba at masalimuot na pakikibaka at ito’y malayo pa sa hangganan. Ang LKMFI at iba pang mga Kagan ay patuloy na maghahanap ng paraan upang lalo pang pagtibayin ang kahalagahan ng mapayapang pamumuhay at pagbibigayan sa kanilang lugar. Hindi lamang upang maipamana ito sa mga susunod pang henerasyon kundi ito’y upang mapagtagumpayan ang kasalukuyang sitwasyon na kanilang kinakaharap at upang maipagpatuloy nilang maisabuhay ang kanilang sariling pananaw sa kaunlaran bilang pagkakaisa.