Ang natatanging talambuhay ni Lapid Alih Adlawan o mas kilala bilang Babu Lapid (ang titulong Babu ay iginagawad sa mga tinitingala at nakatatandang miyembro ng pamayanan) ay isa lamang sa mga sari-saring kuwento tungkol sa mga kababaihang nagbigay-daan sa positibong pagbabago sa loob at labas ng kanilang mga napiling larangan. Si Babu Lapid ay isa sa mga iginagalang na pinuno ng Jamâàh Sta. Cruz na matatagpuan sa malaparaisong isla ng Talicud, Island Garden City of Samal sa Mindanao. Ang Jamâàh Sta. Cruz ay tahanan ng isang makulay na pamayanang Muslim na patuloy na nangangalaga sa mayamang kultura at kasaysayan ng isla.
Ang Jamâàh Sta. Cruz ay isang pamayanan sa tabing-dagat na pinaninirahan ng may mahigit-kumulang sa 30 na kabahayan. Pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay rito. Karamihan sa mga naninirahan dito ay mga Tausug, Sama-Banguingui, at mga Laminosa na lumikas mula sa Jolo, Sulu sa kasagsagan ng Batas Militar noong 1972. Ang karaniwang sistema ng pamumuno ay ang pagtatalaga ng isang Panglima na pinipili mula sa mga nakatatandang lalaki sa komunidad. Nagmula pa ang sistemang ito sa tradisyonal na pamamaraan ng pamamahala mula pa sa mga probinsyang kanilang pinagmulan. Bilang mga naunang lider na bumuo ng komunidad, inilaan ng mga magulang ni Babu Lapid na sina Panglima Ilajih Alih at Maharajah (Pangalawang Punong Tribo) Jai Alih, ang kanilang buhay sa pamamahala sa Jamâàh Sta. Cruz, na nasaksihan ni Babu Lapid mula pa sa murang edad.
Hindi Naipamamana ang Paninindigan
Ang walang kapagurang paglilingkod ni Babu Lapid ay umaabot maging sa labas ng kanyang jamâàh at kahit na Tausug ang karamihan sa kanilang pamayanan. Sa konteksto ng Islam, ang jamâàh ay isang pangkat ng Muslim na nagtitipon para sa pagdarasal, pag-aaral, at iba pang gawaing panrelihiyon. Hindi lamang sa sariling jamâàh nagsisilbi si Babu Lapid. Masigasig din siyang nagsisilbi sa ibang komunidad na binubuo ng iba’t-ibang etno-linggwistikong grupo ng mga Moro, mga lumad, at mga hindi Muslim. Sa katunayan, sa kanyang kabataan bilang dayang-dayang (prinsesa ng mga prinsesa)— isang pagkilalang iginagawad sa mga kababaihang maharlika ng ilang mga Moro— ay nakikipagsalamuha na siya sa iba pang mga pinuno ng buong komunidad ng Samal, kung saan siya ang kadalasang nag-iisang babae na aktibong nakikilahok sa mga gawaing pangkaunlaran para sa mga Muslim, na itinuturing na minorya sa naturang siyudad.
Hindi naging balakid ang mataas niyang katayuan sa kanilang grupo upang magampanan ang kanyang tungkulin sa pagsulong ng interes ng kanyang pamayanan. Para kay Babu Lapid, hindi hamak na mas malalim ang pinag-ugatan ng kanyang pagsisilbi sa komunidad kaysa sa kanyang katayuan lamang. Idinidiin niya na sa kanyang kabataan, kinailangan niyang magsikap upang mapabuti ang kanyang pamumuno habang kinakaharap ang mga hamong dala ng kanyang pagiging babae na naninindigan sa isang lipunang patriyarkal.
Ayon kay Babu Lapid, “May pagdududa ang mga tao sa akin, sa aking kakayahan at pagsisikap na kumilos para sa positibong pagbabago sa aming jamâàh, at sa aking pagiging isang babaeng Muslim. Sinasabi nila na ito (ang pamununo) ay ipinagbabawal.” Aniya, lalo lamang nitong pinapaigting ang kahalagahan ng pagpapalakas sa boses ng mga kababaihan sa pamumuno lalong-lalo na sa kani-kanilang pamayanan.
Pagharap sa mga balakid
Bagama’t ang paninindigan ay hindi ipinapamana, ito ay isang mahalagang karapatan na dapat na isabuhay at alagaan ng lahat, anuman ang pinagmulan o pagkakakilanlan. Para kay Babu Lapid na isang babaeng Tausug, Muslim, at Mindanaon, ang paninindigan ay kadalasang nangangahulugang pagiging biktima ng gender injustice, religious injustice, at mismong paglabag sa karapatang pantao.
”Walang pagkakataon na walang bumabatikos sa aking mga ginagawa na kadalasa’y nagmumula sa iilang may interes na mamuno sa aming jamâàh.” Sabi niya, ”Kahit sa mga mahahalagang programa gaya ng pagbibigay ng malinis na suplay ng tubig para sa aming pamayanan o sa pagkukumpuni at pag-aayos sa lokal na Mosque ay mayroon laging may kumakalat na mga balitang hindi kanais-nais tungkol sa akin. Laging may pagdududa sa aking mga kakayahan.”
Sa kabila ng karanasang ito, tuluyang binasag ni Babu Lapid ang mga hadlanging sumasalamin sa mga balakid na kinakaharap ng mga kababaihan na siyang nagdulot ng malawakan at makabuluhang epekto sa kanilang komunidad. Noong 2020, siya ay tumulong upang mapadali ang paglagay ng patubig sa kanilang jamâàh. Dahil dito, mas madaling makakakuha ng malinis na inuming tubig ang mga miyembro ng komunidad at mga miyembro ng jamâàh.
Nanguna rin siya sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalan upang mabigyan ng atensyon ang kanilang karapatan sa mga basic social services at tiyaking makakatanggap sila nito. At dahil sa mga pagsisikap na ito, si Babu Lapid ay itinalaga ng lokal na pamahalaan upang maging Purok Chairperson ng Sta. Cruz noong 2014. Ito ay nagbigay-daan upang magkaroon ng representasyon at makibahagi ang jamâàh sa mga prosesong pampulitika sa kanilang lokal na pamahalaan.
Kamakailan lamang, pinalawak pa ni Babu Lapid ang kanyang adbokasiya sa pamamagitan ng pagsuporta sa Samal Island Muslim Communities Development Center, Inc. (SIMCDC), isang non-governmental peoples’ organization na nagtataguyod ng katarungang pangkapaligiran at nagsusulong ng panlipunan, pang-ekonomiya, at kultural na pag-unlad sa mga pamayanang Muslim sa isla ng Samal.
Nagsilbi si Babu Lapid bilang miyembro ng Board of Directors ng SIMCDC mula nang mahalal noong 2022. Kabilang sa kanyang mga kontribusyon ay ang maging tagapanguna sa mga gawaing may kinalaman sa pangkabuhayan at kultural na pag-unlad ng SIMCDC at ang aktibong pakikipagtulungan ng kanilang organisasyon sa forumZFD para sa isang proyektong nakatutok sa Nonviolent Conflict Transformation.
Pagsasaalang-alang sa mga Konsepto at Isyung Pangkasarian tungo sa Conflict Transformation
Ang mga kontribusyon ni Babu Lapid sa proyekto ng SIMCDC kasama ang forumZFD ay nagbigay-daan sa isang mas mabisa at komprehensibong pag-unawa sa mga lokal na isyung nakakaapekto sa mga komunidad ng Islam sa Samal. Kamakailan lamang, ang kanyang pamumuno ay kinuwestyun ng anak ng imam (ang pangunahing pinunong panrelihiyon sa komunidad), na hindi na makapaglilingkod pa dahil sa katandaan at karamdaman. Ipinahayag ng anak ng imam ang kanyang pagnanais na kilalanin bilang nararapat na pinuno ng komunidad. Ito ay nagdulot ng tensyon at dibisyon sa kanilang pamayanan.
Ang mga isyung tulad nito ay may magkaibang epekto sa mga kalalakihan at kababaihan, kung kaya mahalagang alamin ang mga pagkakaibang ito upang makabuo ng mga epektibong istratehiyang hahantong sa conflict transformation. Ani Babu Lapid, “Ito ay napakahirap para sa akin dahil maaaring magmukha akong palaging naghahangad (ng affirmation at validation) upang mapatunayan ang aking sarili,” damdaming maaaring sumasalungat sa sentimyento ng ibang mga grupo.
Ang gender-sensitive conflict transformation ay naglalayong magtaguyod ng gender justice at naghihikayat sa mga kababaihan na makilahok sa paggawa ng mga desisyon sa kanilang komunidad. Gayunpaman, kinikilala ni Babu Lapid na ang pagtutulak ng kanyang karapatan ay hindi dapat tingnan bilang isang simpleng laro kung saan may panalo at talunan, kung saan ang sariling pagkakataon at espasyo ay nakakamit kapalit ng sa iba. Sa halip, dapat itong tingnan bilang bahagi ng kolektibong pagsisikap upang lumikha ng isang mas makatarungan at pantay-pantay na lipunan para sa lahat ng indibidwal, kung saan ang boses at kontribusyon ng bawat isa ay pinapahalagahan.
“Alam ko ang aking katayuan,” sabi niya. “Hindi ko kailanman intensyon na alisin sa iba ang pagkakataong maglingkod (sa jamâàh). Kinikilala ko ang aking limitasyon (bilang isang babaeng Muslim, na tumutukoy sa pagkilala sa tungkulin ng mga kalalakihan na may kinalaman sa pamumunong panrelihiyon) ngunit handa akong mamuno kung kinakailangan.” Ang pagpapakita ni Babu Lapid ng tunay na pag-unawa sa kultura at isyu ng tunggalian ay nagbigay daan upang ang salungatan sa pamumuno sa Jamâàh Sta. Cruz ay malutas sa pamamagitan ng mediation na kusang hiniling ng dalawang partido.
Ang naging proseso ng mediation ay nakatuon sa paghahanap ng mga pamamaraan upang ang parehong partido ay makapagbigay ng kani-kanilang kontribusyon para sa pag-unlad ng komunidad, nang hindi pumipigil o nakakasagabal sa indibidwal na kakayahan sa pamumuno. Sa huli, ang parehong partido ay sumang-ayon na sila, kasama ang bawat miyembro ng jamâàh, ay dapat magkaisa patungo sa kanilang kolektibong layunin sa pag-unlad. Ang naging kasunduan ay ang paghalili ng anak ng imâm bilang pinuno sa mga aspetong pang-espirituwal at panrelihiyon, habang si Babu Lapid ay patuloy na gagampanan ang mga tungkuling may kaugnayan sa pamamahalang administratibo tulad ng social services at koordinasyon sa lokal na pamahalaan. Ang resulta ay isang mas malinaw na paghahati ng mga tungkulin na, gayunpaman ay, kumikilala pa rin sa pamumuno ni Babu Lapid.
Mga Kababaihang Muslim ang Magpapasya para sa Hinaharap
Sa paglilingkod sa kanyang komunidad, si Babu Lapid ay naniniwala sa reyalidad na ang “social injustice ay nakakaapekto sa kanyang sarili, pamilya, at mga kapitbahay,” at kanya mismong nasaksihan at naranasan sa mga nagdaang taon. “Ang aking pangarap para sa aking komunidad ay simple lamang. Wala akong ibang hangad kundi ang isang ligtas na pamumuhay sa isang mapayapang pamayanan na patuloy na matatamasa ng aking mga anak at mga apo,” pahayag niya nang may pag-asa.
Si Babu Lapid ay isang patunay na ang mga kababaihang Muslim ay mayroong mahalagang kontribusyon sa lipunan, sa kabila ng mga hamon at hadlang, na syang magbibigay-daan para sa mga susunod pang henerasyon. Ang kanyang kwento ng kalakasan at katatagan ay nagpapaalala sa atin na ang kasarian, relihiyon, o kultura ay hindi dapat maging hadlang sa ating kakayahang maninindigan para sa ating mga karapatan bilang indibidwal at bilang kasapi ng pamayanan. Sa ating patuloy na pagsisikap na lumikha ng isang mundo kung saan ang “history” (o kasaysayan) ay “herstory” din, dapat nating kilalanin at ipagdiwang ang mga katangi-tanging kababaihang gaya ni Babu Lapid at suportahan ang kanilang mga pagsisikap para sa positibong pagbabago.